Sa kulungan ang bagsak ng dalawang umano'y na tinutukan ng kutsilyo ang kanilang biktima bago pagnakawan sa Quezon City.

Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing naaresto ang mga suspek, na kinilalang sina Alvin Palompon at Lawrence Mamaradlo, nitong Huwebes.

Lumabas sa imbestigasyon na tinutukan umano ng kutsilyo ng mga suspek ang biktimang si Gabriel Ian Joseph sa Katipunan Avenue bago kinuha ang kaniyang relo, cellphone at cash.

Nabawi mula sa mga suspek ang mga ninakaw na gamit at isang balisong.

Umamin ang mga suspek sa krimen, na sinabing nagawa nila ito dahil sa tindi ng pangangailangan.

Nahaharap ang dalawa sa reklamong robbery. —Jamil Santos/KBK, GMA Integrated News