Sugatan ang isang lalaki sa Navotas City matapos saksakin ng isang lalaking madalas niya umanong i-bully, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang naglalakad sa kalye ang isang lalaking nakasuot ng dilaw na t-shirt nitong Huwebes ng umaga. Maya-maya, isang lalaking walang damit pang-itaas ang lumapit at pinagsusuntok siya.
Nang dumating ang iba pang kabataan sa lugar, lumayo at tumawid ng kalsada ang lalaking naka-dilaw na t-shirt. Sa kabila nito, sinundan pa rin siya ng sumuntok sa kaniya.
Hindi na nakita sa CCTV ang mga sumunod na pangyayari, pero ayon sa pulisya, sinaksak ng nakadilaw na lalaki ang sumuntok sa kaniya.
"Nang magkita itong magkaibigan, bigla na lang sinapak nitong nambu-bully itong suspek, kaya napuno itong suspek at umuwi ng bahay at kumuha ng samurai at sinaksak sa likod ang victim," ani Police Lieutenant Ramil Rumbawa, duty officer ng Navotas City Police Station.
Isinugod sa pagamutan ang biktima habang naaresto naman ang suspek sa follow-up operation ng pulisya.
"Ang pinag-ugatan po talaga ng insidenteng ito ay pambu-bully ng biktima," ani Rumbawa.
Aminado sa krimen ang suspek. Apat na beses na raw siyang binu-bully ng biktima, kabilang na ang pamamaso sa kaniyang balikat at madalas na pananapak.
Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder pero handa rin daw siyang magsampa ng reklamo laban sa lalaking ilang beses na nam-bully sa kaniya. —KBK, GMA Integrated News