Nadakip na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang suspek sa pagpatay sa dalawang pasahero ng bus sa Nueva Ecija noong nakaraang buwan. Ang suspek, idiniin ang anak ng babaeng biktima na utak sa krimen.
Kinilala ang suspek na si Allan Delos Santos na naaresto sa Dilasag, Aurora, ilang araw matapos ang krimen na naganap habang bumibiyahe ang bus sa Carranglan, Nueva Ecija noong November 15.
BASAHIN: 2 pasahero ng bus, binaril habang nasa biyahe sa Nueva Ecija
Ayon sa pulisya, nagbigay ng mahahalagang impormasyon si Delos Santos tungkol sa kaniyang naging partisipasyon sa pagpatay sa magka-live in na sina Gloria Atilano at Arman Bautista.
Boluntaryo rin umanong gumawa ng extra-judicial confession ang biktima sa tulong ng abogado.
Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng pulisya na nakuha sa suspek ang camouflage uniform na suot nito nang nangyari ang krimen.
Miyembro umano si Delos Santos ng isang gun-for-hire group.
"Base sa nagbigay ng extrajudicial confession, inamin niya na ang pagpatay ay napagplanuhan noong September. Nagbigay ng initial payment base sa pag-uusap nila noong September," sabi ni Police Colonel Richard Caballero, director ng Nueva Ecija provincial police.
Batay pa sa salaysay ni Delos Santos, sinabi ni Caballero na tig-P60,000 umano ang tinanggap na bayad ng dalawang suspek sa ginawang krimen.
Nahaharap sa kasong parricide ang anak ni Atilano.
"With regard doon sa anak, lumalabas na in-implicate siya doon sa case, 'yung motibo na tiningnan natin, initially nu'ng nag-start tayo ng investigation, 'yung filing ng robbery at carnapping ng victim na babae sa sarili niyang anak," ayon kay Caballero.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV na makuhanan ng pahayag ang kampo ng anak ng biktima.
Pero sa mga nauna niyang pahayag matapos siyang ituring na person of interest ng pulisya sa kaso, itinanggi niya ang mga paratang laban sa kaniya.
Sinabi rin ng abogado nito na nagkaayos na umano ang mag-ina bago mangyari ang krimen.
Nag-viral ang naturang krimen matapos makuhanan ng video sa loob ng bus ang ginawang pagbaril sa dalawang biktima.— FRJ, GMA Integrated News