Patay sa pamamaril ang isang babae sa Caloocan City nitong Huwebes ng gabi. Ang biktima, nagawa pang makatakbo pero hindi nilubayan ng mga salarin.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing dead on the spot ang biktima nang barilin sa Barangay 8 sa Sangandaan.

Ayon sa mga saksi, nakasakay sa motorsiklo ang bumaril sa biktima na nakagawa pang makatakbo nang unang tamaan ng bala sa sikmura.

Pero hindi siya nilubayan ng mga salarin at hinabol para pagbabarilin muli.

Apat na basyo ng bala ang nakuha ng mga awtoridad sa pinangyarihan ng krimen.

Inaalam pa ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen at pagkakakilanlan ng mga salarin.-- FRJ, GMA Integrated News