Nakaladkad hanggang sa mapahiga sa kalsada ang isang pulis sa Quezon City matapos niyang sitahin ang motoristang sangkot umano sa illegal drag racing.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, nag-panic daw ang motorista dahil inakala niya na carnapper o holdaper ang lumapit sa kaniya.
Naganap ang insidente sa kahabaan ng Commonwealth Avenue nitong Huwebes ng madaling araw.
Nagtamo ang pulis ng sugat sa iba't ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Reynaldo Vitto, hepe ng Pasong Putik Police Station, maayos na kinausap ng pulis ang motorista nang sitahin niya ito.
"Sa driver side, kinukuha 'yung lisensiya. Itinaas 'yung bintana nung sasakyan. Naipit iyong kaniyang kamay. Tapos hinarurot na suspek hanggang sa makaladkad na 'yung pulis natin," ani Vitto.
Umabot sa halos 500 metro nakaladkad ang pulis.
Nasa kustodiya na ng pulis ang 23-anyos na suspek na isang college student matapos itong isuko ng kaniyang tatay sa otoridad. Natunton naman ng pulisya ang kaniyang kotse sa San Mateo, Rizal.
Ayon sa suspek, hindi niya alam na pulis ang sumita sa kaniya. Itinanggi rin niya na may drag racing silang ginagawa.
Patong-patong na reklamo ang kinakaharap ng suspek kabilang ang alarm and scandal, frustrated homicide, at resistance and disobedience to an agent of a person in authority. —KBK, GMA Integrated News