Wala pa ring nanalo sa Superlotto 6/49 draw na umabot na sa mahigit P170 milyon ang jackpot prize. Ang mas madaling tamaan na 6D Lotto, nasa mahigit P3 milyon na ang premyo.

Sa draw nitong Huwebes, November 23, 2023, nakasaad sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na zero winner sa Superlotto 6/49.

Ang lumabas na mga numero ay 39-11-13-36-32-08, at umabot na ang premyo sa P170,454,894.20.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad naman na mayroong 24 na mananaya nanalo ng second prize na P50,000 ang premyo.

Wala ring nanalo sa kasabay nitong draw na Lotto 6/42, na ang lumabas na kombinasyon ng mga numero ay 06-18-32-31-26-14, na may premyong P15,274,031.00.

Umabot din sa 24 na mananaya ang nanalo ng second prize na P24,000 naman ang premyo.

Samantala, P3,464,271.80 na ang jackpot sa 6D Lotto na wala ring nakatama sa lumabas na mga numero na 6-6-4-6-8-0.-- FRJ, GMA Integrated News