Sinampahan ng reklamong two counts ng attempted murder ang driver ng SUV na nahuli-cam na binangga ang isang motorsiklo na dahilan para tumilapon ang rider at angkas niyang pasahero sa bahagi ng EDSA sa Mandaluyong.
Sa kuha ng dashcam ng motoristang si Wilbur Burgonio na ini-upload sa social media, makikita na bukas ang bintana ng suspek at tila may sinasabi sa rider ng isang motorcycle taxi.
"Si SUV [driver], nakabukas salamin sa harapan, dinuduro niya 'yung rider. Si rider, lumayo na pero sumunod pa rin siya [SUV driver]," kuwento ni Burgonio sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes.
Ang sumunod na pangyayari, sinagi ng SUV ang motorsiklo na dahilan para bumagsak sa kalsada ang dalawang sakay.
Naharang naman ng mga traffic enforcer ang driver na dinala sa himpilan ng pulisya.
Ayon kay Police Captain Louie Orlain, chief, investigator branch, Mandaluyong CPS, lumalabas sa imbestigasyon na nagalit ang suspek nang singitan siya ng rider sa daan.
Sinabi ni Police BGen. Wilson Asueta, District Director, EPD, tila sinadya ng driver ang pagbangga sa mga biktima kaya attempted murder ang isinampang reklamo laban sa suspek.
Naglabas naman ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver.
“Starting today ‘pag na-serve na ang show cause order, may preventive suspension na siya, hindi na siya puwedeng magmaneho," ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II sa panayam sa radyo.
Tumanggi naman na magbigay ng pahayag ang suspek. —FRJ, GMA Integrated News