Sinabi ni Vice President Sara Duterte nitong Linggo na wala siyang planong tumakbong pangulo sa 2028 national elections.

“Hindi ko naman talaga ambisyon na tumakbong vice president and lalong lalo na ang president. Alam niyo naman lahat ‘yan. Sinabi ko noon na hindi ko gustong tumakbong president,” pahayag ni Duterte sa post ni GMA News’ Jonathan Andal sa X (dating Twitter).

 

 

Ayon pa sa pangalawang pangulo, sa huli ay ang plano ng Diyos ang masusunod.

“Lahat ng ginagawa natin, we can only plan, but it will truly be God’s plan that will prevail,” sabi ni Duterte.

Matatandaan na sa isang commissioned survey na ginawa ng Social Weather Station na inilabas nitong nakaraang Hunyo, nakasaad na kabilang si Duterte sa mga napupusuan ng mga taong tinanong na nais nilang pumalit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2028.

Kasama rin sa listahan sina Senador Raffy Tulfo at Vice President Leni Robredo.

Sa nasabing survey, may mga respondent ang walang sagot, hindi alam o tumangging sumagot, na aabot ang kabuuang bilang sa 41 porsiyento.

Samantala, inihayag naman ni Duterte na naniniwala siya na buo pa rin ang tiwala sa kaniya ni Marcos sa harap ng mga hinala na mayroong “lamat” sa UniTeam coalition.

“We’re okay,” sagot ni Duterte nang tanungin tungkol sa working relationship nila ni Marcos.

Tungkol sa umano'y planong impeachment laban sa kaniya ng ilang mambabatas sa Kamara de Representantes, sabi ng pangalang pangulo na, "We are currently doing our due diligence about this one, and then we will release a comment at the appropriate time.”

Nauna nang itinanggi ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS party-list Representative Erwin Tulfo na may nilulutong impeachment complaint laban kay Duterte.

Sinabi rin ni House Speaker Martin Romualdez na “nothing in the offing” tungkol sa alingasngas ng impeachment laban sa pangalawang pangulo.

"Nothing filed, no news of that,” ani Romualdez, na nagsabing hindi niya alam kung saan nanggagaling ang naturang impormasyon sa planong patalsikin sa puwesto si Duterte.

Noong nakaraang Miyerkules, sinabi ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, na may mga lider mula sa ibang partido ang nag-uusap tungkol sa impeachment laban kay Duterte.

Si Castro ang nagsampa ng reklamong grave threat laban sa ama ni Duterte na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, kaugnay sa naging pahayag ng huli sa panayam ng SMNI. — FRJ, GMA Integrated News