Dalawang kasong administratibo ang kinakaharap ng pulis ng umano'y karelasyon ng nawawalang beauty queen ng Tuy, Batangas na si Catherine Camilon.
Sa ulat ni Glen Juego sa Super Radyo dzBB nitong Biyernes, sinabi umano ni Philippine National Police-Internal Affairs Service Inspector General Alfegar Triambulo, na kabilang sa kinakaharap ni Police Major Allan de Castro ay kasong conduct unbecoming of an officer.
Bunga ito ng pakikipag-relasyon umano de Castro kay Camilon kahit na may asawa na siya.
Una rito, sinabi ni Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Director Romeo Caramat na inamin ni de Castro kay PNP Chief General Benjamin Acorda Jr., ang pakikipag relasyon niya kay Camilon.
Nasa summary dismissal proceedings na umano ang naturang kaso na inaasahang matatapos ngayong buwan.
Ang ikalawang administratibong kaso na kinakaharap ni de Castro ay kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa pagkawala ni Camilon, na kaparehong reklamo na isinampa laban sa kaniya ng PNP bilang isa sa apat na person of interest.
Ayon kay Triambulo, kung mapapatunayang guilty sa kasong administratibo si de Castro, masisibak ang pulis sa serbisyo at aalisin ang lahat ng kaniyang benepisyo.
Kabilang dito ang pagkawala ng kaniyang retirement pay, at hindi na rin papayagang magtrabaho sa gobyerno.
Police Major na dawit sa pagkawala ng beauty queen sa Batangas, posibleng matanggal sa serbisyo, ayon sa PNP Internal Affairs Service. | via @glenjuego pic.twitter.com/Cu1WArjxOi
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 17, 2023
Sa nakaraang ulat, sinabi ni Camarat na nakaharap ni Acorda si de Castro sa Camp Crame noong Miyerkules.
Bagaman inamin umano ni de Castro kay Acorda ang relasyon nito kay Camilon, pinili naman nitong manahimik nang tanungin kung may kinalaman siya sa pagkawala ng beauty contestant at guro.
Sinabi umano ni de Castro na nasa tanggapan siya ng pulisya sa Batangas nang araw na mawala si Camilon.
Kabilang sa person of interest na hinahanap ang driver at bodyguard ni de Castro, na ayon sa dalawang saksi ay nakita nilang may inililipat na duguang babae sa isang pulang SUV.
Isang pulang SUV naman ang nakitang inabandona sa Batangas City, na isinailalim sa pagsusuri upang malaman kung ito ang sinasabing sasakyan na pinaglipatan sa babaeng duguan na hinihinalang si Camilon.-- FRJ, GMA Integrated News