Inihayag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na may impormasyon sila na bago pa man mawala si Catherine Camilon ay pinagbuhatan siya ng kamay ng pulis na sinasabing karelasyon ng beauty queens. Ang pulis, napag-alaman na may pamilya na at itinanggi na nakipagkita siya sa biktima.
Sa isang mensahe sa GMA News Online nitong Martes, sinabi ni CIDG 4A chief Police Colonel Jacinto Malinao Jr., na batay sa pahayag ng kapatid ni Catherine na si Chin-chin, nagalit umano ang suspek na si Police Major Allan de Castro, nang ipaalam ng beauty queen sa misis nito na may babae ang pulis.
“Sa statement ng kapatid ni Cath na si Chin, nasabi sa kaniya na nasaktan minsan, nasaktan ni Major si Cath physically dahil sa kalasingan at nagsabi daw si Cath sa misis ni Major na meron itong babae,” ayon kay Malinao.
Una rito, sinabi ni Police Major General Romeo Caramat Jr., Director, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), may impormasyon din na si de Castro ang katatagpuin ni Catherine nang araw na mawala ang biktima noong nakaraang Oktubre sa Batangas.
"Allegedly before mawala si Miss Camilon eh siya [de Castro] yung kakatagpuin niya. Gusto nang makipaghiwalay kay Major Alan de Castro and maybe this is one of the reason siguro kung bakit nag-away sila," ayon kay Caramat.
Gayunman, sinabi ni Malinao na itinanggi ni De Castro na nakipagkita siya kay Catherine nang araw na nawala ito.
Idinahilan umano ni De Castro na nasa Batangas Police Provincial Office (PPO) siya nang gabing mawala si Catherine.
“Wala po siyang inamin tungkol sa tatagpuin sana ni Cath noong gabi na nawala siya. Nasa kampo lang po siya noong time na iyon. Base sa statement niya sa amin, nasa kampo lang siya ng Batangas PPO,” ayon kay Malinao.
Sinisilip ng mga awtoridad ang love angle na posibleng motibo sa pagkawala ni Catherine.
Sinampahan na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention sina De Castro, ang driver at bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa.
Hinahanap pa ng mga awtoridad si Magpantay na batay sa mga saksi ay nanutok ng baril nang makita nila na may taong duguan na inililipat ng sasakyan, na hinihinala nilang si Catherine.
Kamakailan lang, may nakitang pulang SUV na inabandona sa Batangas City, na tugma sa paglalarawan ng mga saksi na umano'y pinaglipatan sa duguang biktima na inililipat ng sasakyan.
Nitong Lunes, sinabing may hibla ng buhok, bahid ng dugo at lupa na nakita sa pulang SUV na isinailalim na sa pagsusuri.
Samantala, patuloy ding hinahanap ang sasakyan na gamit ni Catherine nang araw na mawala siya.
Batay sa mga naunang ulat, lumilitaw sa mga kuha ng CCTV camera sa mga lugar na dinaanan ni Catherine na mayroon siyang kasama sa loob ng sasakyan.-- FRJ, GMA Integrated News