Patay ang isang lalaking tumatawid ng kalsada matapos masagasaan ng truck sa Malabon City nitong Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Robert Riza, 36, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes.

Kuwento ng kapatid ng biktima na si Pablito Riza, magkasama sila at pauwi na galing sa trabaho sa Pier nang mangyari ang insidente pasado alas-onse ng gabi.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Nasa kustodiya na ng traffic bureau ng Malabon Police ang driver na kinilalang si Jaime Mendoza. Pati ang truck na minaneho ni Mendoza ay nasa kustodiya na rin ng pulisya.

Ayon sa driver, naka-go signal ang traffic light nang biglang tumawid ang biktima.

"Hindi ko na siya maprenuhan kasi malapit na masyado," aniya.

Humingi siya ng paumanhin sa pamilya ng biktima.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. —KG, GMA Integrated News