Sinabi ng Taguig City Police Station nitong Lunes na wala silang nakikita sa ngayon na ebidensiya na may nangyaring foul play sa pagkamatay ng dalawang babaeng estudyante na nakita sa Signal Village National High School.
“Sa mga evidence po tinuturo na wala pong foul play,” sabi ni Taguig City Police chief Police Colonel Robert Baesa sa ipinadalang mensahe GMA News Online.
Ayon kay Baesa, patuloy ang pagtatanong nila sa mga kamag-anak, mga kaklase, at posibleng saksi na maaaring magbigay-linaw sa nangyari sa dalawang high school student.
Biyernes ng gabi nang makita ang mga katawan ng dalawang mag-aaral sa Signal Village National High School campus.
Nanawagan ang Taguig police sa publiko na huwag gumawa ng espekulasyon sa sinapit ng dalawang estudyante upang hindi makadagdag sa sakit na nararamdaman ng nagluluksang mga pamilya.
Patuloy umano ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad.
Nitong Sabado, nangako ang Department of Education (DepEd) na makikipagtulungan sa pulisya sa isinasagawang imbestigasyon.
Ayon kay DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa, nakipag-ugnayan na ang kinauukulang school division office sa Scene of the Crime Operation (SOCO) kaugnay sa nangyari.
“The DepEd fully commits to cooperate with the PNP Taguig regarding this matter, and is committed towards the swift and expeditious conduct of the ongoing investigation,” ayon sa ahensiya.
Nagpaabot ng pakikiramay ang DepEd sa naulilang mga pamilya, at nag-alok din sila ng tulong sa mga ito.—FRJ, GMA Integrated News