Sinampahan na ng reklamong kidnapping at serious illegal detention ang mga suspek sa pagkawala ng Batangas beauty queen na si Catherine Camilon--kabilang ang pulis na umano'y karelasyon ng biktima.
Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing ang sinampahan ng reklamo ay sina Police Major Allan de Castor, driver at bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa na 'di pa tukoy ang pagkakakilanlan.
Ayon kay Police Major General Romeo Caramat Jr., Director, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), may impormasyon na si de Castro ang katatagpuin ni Camilon nang araw na mawala ang biktima noong nakaraang Oktubre sa Batangas.
"Allegedly before mawala si Miss Camilon eh siya [de Castro] yung kakatagpuin niya. Gusto nang makipaghiwalay kay Major Alan de Castro and maybe this is one of the reason siguro kung bakit nag-away sila," ni Caramat.
Nasa kostudiya na ng mga awtoridad si de Castro, habang hinahanap pa si Magpantay na sinasabing nanutok ng baril sa dalawang saksi na nakakita sa isang walang malay na tao na may dugo sa ulo na inililipat ng sasakyan.
Ayon kay Caramat, sinabi ng mga saksi na tumugma umano ang sasakyan ni Camilon sa mga lumabas na ulat, at tumugma rin ang hitsura ng biktima sa mga nakita nila sa social media.
BASAHIN: Catherine Camilon, nakita umano ng 2 saksi na duguan sa loob ng sasakyan
Kamakailan lang, isang pulang SUV na inabandona sa Batangas City ang nakita, na tugma rin sa inilarawan ng mga saksi na pinaglipatan ng taong nakita nilang duguan.
Sinabi ni Caramat na may nakita sa naturang sasakyan na hibla ng buhok, blood sample, at maging lupa na hinihintay pa ang resulta ng pagsusuri mula sa forensic group.
Samantala, natukoy na rin umano kung kanino nakarehistro ang nakitang sasakyan na kulay pula.
Patuloy na ikinukonsidera ng pulisya na missing person si Camilon, at umaasa silang buhay pa ang biktima na isa ring guro.
Tulad ni Camilon, hindi pa nakikita ang sasakyan na gamit niya nang mawala.—FRJ, GMA Integrated News