Matapos mapanalunan ng isang mananaya ang P102 milyon jackpot sa Lotto 6/42 noong Sabado, isang mananaya naman ang nanalo ng mahigit P107 milyon sa Megalotto 6/45 draw nitong Lunes, Nobyembre 6, 2023.

Sa website ng Philippine Charity Sweepstakes Office, nakasaad na ang lumabas na kombinasyon ng mga numero ay 13-31-16-01-25-10, na may kabuuang premyo na P107,506,074.20.

Sa Facebook page ng PCSO, nakasaad na may 110 na mananaya ang tumama ng second prize na may premyong P32,000.00.

Wala namang tumama sa kasabay nitong draw na Grand Lotto 6/55, na ang lumabas na mga numero ay 33-25-10-14-18-51, at may premyong P102,584,251.80.

Mayroon namang walong mananaya ang masuwerteng nanalo ng second prize na may premyong P100,000.00.

Dalawa pang major draw ang mayroong malaking premyo na hindi pa tinatamaan. Ang Ultra Lotto 6/58 na mahigit P99 milyon ang jackpot, at ang Superlotto 6/49na mahigit P100 milyon na rin ang premyo.-- FRJ, GMA Integrated News