Ligtas na nasagip ng mga awtoridad sa isang ginang at tatlo niyang batang anak matapos silang i-hostage ng isang sekyu sa Baseco compound sa Maynila.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "Saksi" nitong Huwebes, kinilala ang nadakip na suspek na si Justin Saguin, na armado ng patalim.

Ayon sa pulisya, bisita lang sa lugar si Saguin at bigla na lang pinasok at hinostaga ang ginang at tatlo nitong anak na edad lima, dalawa at isa.

"According to those na nakainuman niya, balisa raw ito, disturbed, at ang demand niya, kausapin ang kapatid niya at may problema siya," ayon kay Manila Police District Chief Police Colonel Arnold Ibay.

Nagawang mahatak ang pulis ang suspek at nailayo sa mag-iina. Nakuha sa kaniya ang patalim.

Humingi naman patawad ang suspek sa kaniyang ginawa.

Mahaharap siya sa mga reklamong paglabag sa Republic Act No. 7610 or the Anti-Child Abuse Law, slight illegal detention at illegal possession of deadly weapon.

Isasailalim naman sa counseling ang mga bata ng Department of Social Welfare and Development dahil sa trauma na kanilang naranasan.-- FRJ, GMA Integrated News