Naibalik na sa may-ari ang maleta na may laman na mga alahas at bag na aabot sa P20 milyon ang halaga na aksidenteng naiwan sa Ninoy Aquino National Airport Terminal 3, at kinuha ng isang lalaki.

Ayon sa ulat ng GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, nag-post sa social media ang may-ari ng maleta na si Maricor Flores, na nagsabing halos nawalan na siya ng pag-asa na maibabalik pa sa kaniya ang kaniyang mga gamit.

Ibinahagi niya ang post ni Senator Raffy Tulfo na nagsasaad na ang pamilya ng taong kumuha ng maleta ang nagsauli ng gamit.

Sa CCTV footage noong October 1 dakong 8 p.m. makikita si Flores na dumating habang dala ang maleta sa NAIA Terminal 3 arrival area. Nang dumating ang sasakyan na susundo sa kaniya, binitawan niya ang maleta sa pag-aakalang kukunin ito ng kaniyang tauhan.

Pero ang kasama ni Flores na may bitbit din na mga maleta ang sinalubong ng tauhan, at naiwan ang maleta ni Flores.

Makikita na isang lalaki ang kumuha sa maleta at inilagay sa trolley at umalis. — FRJ, GMA Integrated News