Tinutugis ang isang pulis na hiniwalayan umano ng kaniyang live-in partner matapos siyang mamaril at mapatay ang kapatid ng huli sa Pasay City.

Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente pasado 1 a.m. sa tapat ng isang bahay sa Barangay 190 Don Carlos Village.

Sinabi ng mga taga-barangay na iniulat sa kanila na nag-aaway ang pulis at kaniyang live-in partner sa naturang bahay.

“Ayon sa babae, nakikipaghiwalay itong biktima natin, itong lalaki hindi niya matanggap na nakikipaghiwalay na. Dahil sa pag-aaway nila nagpambuno na sila sa loob ng bahay kaya nagpatawag na ng responde itong babae,” sabi ni Police Captain Philadiane Fronee Clemeña, commander ng Baclaran Station.

Mas lalo pang uminit ang sitwasyon matapos rumesponde ang mga kawani ng barangay, at sumaklolo rin ang kapatid na lalaki ng live-in partner ng suspek.

Ayon kay Clemeña, lalong nagalit ang pulis sa mga rumespondeng barangay tanod, at dito na siya namaril.

Nagtamo ng tama sa dibdib ang lalaking kapatid ng kaniyang live-in partner, habang hindi naman tinamaan ang babae.

Agad itinakbo sa ospital ang lalaking biktima ngunit idineklara siyang dead on arrival.

Agad na tumakas ang pulis na kinilalang si Police Staff Sergeant Rowell Laquesta, na kasalukuyang nasa schooling at nakadestino sa NCRPO holding area.

Nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya para mahuli ang suspek. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News