Isang criminology student ang binawian ng buhay matapos pagtulungang bugbugin at hampasin ng hollow blocks sa mukha ng aabot sa sampung kalalakihan sa Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat ni Marisol Abdurahmann sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, nakuhanan ng CCTV camera ang brutal na pagkuyog ng mga suspek sa biktimang si Randall Bonifacio sa labas ng isang bar.
“Pauwi na sila nang inikutan sila ng mga kalalakihan,” sabi ni Manila Police District Homicide Section Chief Captain Dennis Turla.
“Apat dito sa hindi bababa sa sampung suspek natin ay walang sabi-sabi pinaghahampas sa mukha ng hollow blocks itong biktima. Paulit-ulit daw sabi ng ating mga witnesses,” sabi pa ni Turla.
Dagdag ng mga saksi na kaibigan ni Bonifacio, nakatambay sila sa lugar nang mabangga ng biktima ang isang lalaki.
“Pauwi na kami nu'n tapos may padaan-daan na lalaki. Nu'ng huling daan niya po nagkabanggaan sila,” sabi ng isang saksi.
“Humingi na rin kami ng pasensiya. Akala po namin okay na. Mga dalawang minuto lang po lumabas po uli siya, may mga kasama na po. Du'n na nila sinugod si Randall. Pinagsusuntok nila, una. Binabato na po nila ng kung ano-ano pong itong sina Randall. Mga bato, dustpan,” dagdag niya.
Isinugod si Bonifacio sa ospital kung saan siya namatay.
“Basag na basag po 'yung mukha, halos hindi po makilala. Kulay itim po 'yung ganito, nakasarado 'yung mata. 'Yung bigla na lang po siyang gagalaw, nagwawala siya, nagkaganu'n siya,” ani Amelia Bonifacio, ina ng biktima.
Kakasuhan ng murder ang mga suspek, ayon sa pulisya. Nakilala na nila ang ilan sa mga ito ngunit tumanggi silang magbigay ng pangalan habang isinasagawa ang follow-up operation. —Sundy Mae Locus/FRJ/KG, GMA Integrated News