Arestado ang isang mag-ama sa Quezon City dahil sa pagpatay umano sa kanilang kasamahan sa Cagayan noong nakaraang taon, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles.

Unang sinilbihan ng arrest warrant si Romeo Caballero, 19, sa Barangay Pasong Tamo. Matapos ang ilang oras, natunton naman ang kaniyang 41-anyos na amang si Rodel Caballero sa Barangay Holy Spirit.

Nahaharap ang dalawa sa kasong murder sa Cagayan. Ayon sa pulisya, mahigit isang taon silang nagtago sa Quezon City at nagtatrabaho bilang pahinante ng truck.

"In coordination with the Solana Municipal Station, napag-alaman na dito nagtatago 'yung mga subject for warrant, kaya ang mga operatiba natin agad na tinunton 'yung mga suspek. Una nga nahuli itong anak, sumunod ang tatay,"  ani Police Lieutenant Colonel May Genio, hepe ng Holy Spirit Police Station.

Naganap daw ang krimen noong Setyembre ng nakaraang taon sa Peñablanca, Cagayan kung saan natagpuan ang biktima sa loob ng isang septic tank.

Depensa ng mag-ama, hindi nila alam na may warrant laban sa kanila. Hindi rin daw sila nagtago at wala rin daw silang kinalaman sa nasabing krimen.

"Wala kaming pinatay, sir," ani Romeo.

"Hindi po kami wanted. Pumunta lang kami dito [sa Quezon City] para magtrabaho," dagdag pa niya.

Inihahanda na ng pulisya ang mga dokumento para sa return of warrant. —KBK, GMA Integrated News