Inihayag ng mga environmental activist na sina Jhed Tamano at Jonila Castro, na naunang iniulat na nawawala,  na dinukot umano sila ng mga sundalo habang naglalakad noong Setyembre 2 at isinakay sa van. Mariin naman itong itinanggi ng militar.

Iniharap sa mga mamamahayag nitong Martes ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sina Tamano, 22-anyos, at Castro, 21, para sana pabulaanan ang alegasyon na dinukot ang dalawa.

Pero nang tanungin sina Tamano at Castro kung totoo o hindi na dinukot sila at kusa silang sumuko sa mga awtoridad, tugon ni Castro: “Ang tanong na dinukot ba kami o kusa kaming nag-surrender. Ang totoo po ay dinukot kami ng mga militar sakay ng van.”

Idinagdag niya na tinakot sila ng militar at hindi totoo ang nakasaad sa nilagdaan nilang affidavit.

“Napilitan din kami na sumurrender dahil pinagbantaan ang buhay namin. Iyon po ang totoo. Hindi rin namin ginusto na mapunta kami sa kustodiya ng militar. Hindi rin totoo iyong laman ng affidavit dahil ginawa, pinirmahan iyon sa loob ng kampo ng militar. Wala na kaming magagawa sa pagkakataon na iyon,” patuloy ni Castro.

Nitong Biyernes, sinabi ng NTF-ELCAC na sumuko umano ang dalawa sa Philippine Army’s 70th Infantry Battalion (70IB) sa Doña Remedios Trinidad sa Bulacan noong September 12.

Konektado umano ang dalawa sa New People’s Army (NPA), ayon pa sa NTF-ELCAC.

Kuwento ni Tamano, naglalakad sila ni Castro sa kalsada noong gabi ng September 2 nang may tumigil na SUV sa harap nila at sapilitan silang isinakay.

“May tumigil na SUV sa harap namin tapos dinukot po kami. Tapos pinilit kaming pasamahin sa kanila. Iyon po ang totoo. Akala po namin sindikato pero kilala po kami,” dagdag niya.

Ayon kay Castro, nagpakilala umano ang mga dumukot sa kanila na mga milutar at nakita niya na may nakasulat na 70IB o 70th Infantry Battalion sa papel nang ini-interrogate o tinatanong sila.

SUMUKO SILA

Nanindigan naman si Lieutenant  Colonel Ronnel dela Cruz, commanding officer ng 70IB,  na sumuko sa awtoridad sina Castro at Tamano.

“Kami po hindi po namin alam iyong sinasabi na po na iyon na event nila. Ang naging ano po ng 70IB roon ay ang pagre-rescue po natin na na-report po sa amin,” anang opisyal sa naturang pulong balitaan.

Idinagdag niya na tumulong lang ang 70IB sa pagproseso sa ginawang pagsuko ng dalawa.

“Ang pinanghahawakan po natin kasi pumirima po sila ng kustodiya po. Pumirma po sila ng papel. Ang tingin po namin pala ay ito ay pagtulong na amin silang tutulungan sa kanilang pag-surrender, so kaya inaayos namin ang proseso,” dagdag ng opisyal.

Ayon pa kay Dela Cruz, isang impormante ang nag-report sa mga awtoridad tungkol sa dalawang aktibista. Kumilos naman umano ang militar noong September 12, at nagsagawa ng negosasyon.

Naniniwala naman si NTF-ELCAC director Alexander Umpar sa posisyon ng militar, at sinabing kailangan pa ring tulungan sina Castro at Tamano na nagbalik-loob sa gobyerno.

Iginiit naman ng grupong Environmental Defenders Congress (EDC) ang "immediate and unconditional release" nina Tamano at Castro matapos na isiwalat ng dalawa ang ginawang pagdukot sa kanilang ng militar.

"This admission, made even under duress and undeniable coercion, exposed the undeniable truth that Jhed and Jonila were taken by state agents and targeted for their environmental defense — as we have suspected since the day they went missing," ayon sa pahayag ng grupo.

Inilarawan ng grupo ang dalawa na "dedicated environmental defenders who have been unwavering in their commitment to protect our marine ecosystems from the irreparable damage caused by large-scale reclamation projects."

"We call upon the authorities to ensure the safety, security, and well-being of Jhed and Jonila during this critical time," dagdag ng EDC. —FRJ, GMA Integrated News