"I know your face." Iyan ang sabi ng dayuhang Amerikano sa isa mga awtoridad na pumipigil sa kaniya matapos na magwala sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport nang pumasok sa paliparan kahit walang plane ticket.

Sa video ng GMA News Feed, makikita na kalmado lang na binantayan ng mga security guard sa paliparan ang dayuhan. Pero kinalaunan, nanuntok, nanakal at nanduro na siya.

Kinalaunan, dumating na rin ang mga tauhan ng PNP Aviation Security group upang pigilan ang dayuhan at arestuhin.

Nang tinatanong siya ng awtoridad kung ano ang kaniyang problema, tila nagbanta ang Amerikano na nagsabing, "I know your face.

Sumagot naman ang pulis na, "I know your face too."

Pero bago pala manggulo sa airport, sumakay muna sa taxi ang dayuhan mula sa Makati at nagpahatid sa airport. Nang dumating sa paliparan, umalis ang dayuhan nang hindi nagbabayad sa taxi.

Kaya naman hinabol siya ng driver na nagpatulong sa mga security guard.

Nang sitahin ng mga sekyu ang dayuhan, wala rin siyang plane ticket na maipakita at nagpipilit na pumasok sa paliparan.

Mahaharap sa patong-patong na reklamo ang dayuhan. Nakipag-ugnayan din ang awtoridad sa US Embassy.-- FRJ, GMA Integrated News