Ang 25-time PBA champion coach na si Tim Cone ang magmamando sa Gilas Pilipinas sa gaganaping Asian Games ngayong Setyembre sa Hangzhou, China.

Inanunsyo ito ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP)at Philippine Baskerball Association (PBA) nitong Huwebes bilang kahalili ni Chot Reyes, na nauna nang nagpahayag na iiwan na niya ang naturang puwesto matapos ang pagsabak ng Pilipinas sa 2023 FIBA World Cup.

Dati na ring pinamunuan ni Cone ang Gilas Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games na ginanap sa Manila. Nakuha ng Pilipinas ang gintong medalya sa basketball.

Naka-bronze naman ang Pilipinas sa basketball sa ilalim ng kaniyang pamumuno sa Gilas sa 1998 Asian Games sa Bangkok, Thailand.

Sa panahon na si Reyes ang coach ng Gilas, kasama naman si Cone sa coaching staff nito kabilang sa World Cup. —FRJ, GMA Integrated News