Isasailalim sa DNA tests ang mga nasawi sa nasunog na bahay na ginawang T-shirt printing business sa Quezon City para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ito.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News “24 Oras” nitong Biyernes, sinabing ilan sa mga kaanak ng mga biktima ay bumiyahe mula sa Occidental Mindoro.
Sumailalim sila sa swab testing sa Camp Crame, na bahagi ng DNA testing procedure na isasagawa ng Philippine National Police (PNP) Forensic Group.
Karamihan sa 15 nasawi ay mula sa Occidental Mindoro.
“Mabait po yung anak ko na 'yun…Gusto po sana namin iuwi ang bangkay ng anak ko,” sabi ni Editha Gallanero, ina ng nasawing Theresa.
Ayon kay Editha, nagtatrabahong kasambahay ang kaniyang anak sa nasunog na bahay. Ang kinikita umano nitong P6,000 bawat buwan, ipinapadala sa kanila.
“Siya lang po tumutulong sa akin. Anim po sila…may lima ako nag-aaral na anak,” anang ginang.
Isa rin sa mga nasawi si Irene, 17-anyos, na ipinapadala rin sa pamilya ang sahod para sa pag-aaral ng kapatid na nasa kolehiyo.
“Hindi pa po nagpa-process sa utak namin na ganyan na yung nangyari,” ani Rachel Sigalat, kapatid ng biktima.
“‘Yung nanay at tatay ko po hanggang ngayon hindi makausap. Ayaw daw nila makakita ng picture ng kapatid ko kasi nga bunso,” dagdag niya.
Ayon sa pulisya, maaaring abutin ng isang buwan bago malaman ang resulta ng DNA test.
Kasama sa nasawi sa sunog ang may-ari ng negosyo, isang ginang, at anak nito na tatlong-taong-gulang.
Natutulog pa umano ang mga biktima nang mangyari ang sunog dakong 5:30 am sa Pleasant View Subdivision.
Sa 18 natutulog sa bahay, tatlo lang ang nakaligtas. --FRJ, GMA Integrated News