Idineklara ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. na walang mass grave sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Sa ambush interview nitong Huwebes, sinabi ni Catapang na walang bangkay na nakita sa tatlong septic tank sa loob ng Bilibid.

“Bale, tatlong septic tank, negative lahat, negative for human remains,” anang opisyal.

Nitong nakaraang buwan, sinabi ni dating NBP Superintendent Angie Bautista na nakatanggap siya ng impormasyon mula sa inmate na mayroong mass grave sa septic tank sa loob ng NBP.

Sa paghahanap noon sa nawawalang bilanggo na si Michael Cataroja [na nakita at nahuli na kamakailan sa Rizal) isang septic tank ang binuksan matapos na upuan ng K9 units (aso) nang ipaamoy ang gamit ni Cataroja.

Isang brief at isang piraso ng buto ang nakita sa loob na unang inakala na buto ng tao. Pero nang suriin, sinabi Dr. Annalyne Dadiz ng National Bureau of Investigation Medical Legal Team, na sa manok ang naturang buto.

Sa nasabing panayam kay Catapang, inihayag ng opisyal na, “Wala namang mass grave. So we already submitted to the DOJ and Congress na finally na resolve na yung issue. Kung wala naman talagang mass grave, eh ‘di so be it.”

Nang hingan ng komento ng Department of Justice, sinabi ng kanilang tagapagsalita na si Mico Clavano na, “Siyempre, relieved din tayo dahil ang kinatakutan natin na may ganoong klaseng problema ay wala naman pala.”

“So we hope no na patuloy na lang yung mga reporma po natin. Hindi na tayo lilingon sa likod kundi titingin na tayo sa future natin,” dagdag niya.— FRJ, GMA Integrated News