Pinangunahan nina Jordan Clarkson at Kai Sotto ang 12 manlalaro ng Gilas Pilipinas na sasabak sa 2023 FIBA World Cup na gagawin dito sa bansa.
Magkahalong veterans at young guns ang bumubuo ng koponan ngayon na target na malampasan ang nagawa sa nagdaang World Cup.
Sa ipinadalang listahan ni Samahang Basketbol ng Pilipinas chief Al Panlilio, ang napiling kapitan ng team ay ang beteranong si Japeth Aguilar. Kasama ang big man na si June Mar Fajardo.
Pasok din si Scottie Thompson na ilang linggong nagpahinga dahil sa injury sa kamay. Kabilang naman sa young guns sina AJ Edu, Rhenz Abando, at Dwight Ramos, na unang pagkakataon na sasabak World Cup.
Idinagdag din sina Jamie Malonzo, CJ Perez, RR Pogoy, at Kiefer Ravena.
Natapyas sa naunang 16-man pool sina Thirdy Ravena, Calvin Oftana, Ray Parks, at Chris Newsome.
Nagkasama na sina Clarkson at Sotto sa fourth window ng Asian Qualifiers, habang ikatlong sabak na nina Aguilar at Fajardo sa World Cup.
Naglaro naman sina Kiefer, Perez, at Pogoy sa 2019 edition ng World Cup.
Unang haharapin ng Gilas team ang Dominican Republic sa Philippine Arena sa August 25. Kasunod nito ang Angola at sa August 27 at 29, sa Smart Araneta Coliseum. —FRJ, GMA Integrated News