Lima katao ang patay, kabilang ang apat na menor de edad, matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay San Roque, Navotas City nitong Sabado ng umaga.

Sa ulat ni Luisito Santos sa Super Radyo DZBB, kabilang sa mga nasawi ang isang 41-anyos na babae, ayon kay Fire Senior Superintendent Rodrigo Reyes, assistant regional director for operations ng Bureau of Fire Protection National Capital Region (BFP-NCR).

May mga edad na 12, 15 at 17 naman ang mga nasawing menor de edad, at isang lalaki na edad 12.

Naitakbo pa sa Navotas Hospital ang mga biktima pero pumanaw din dahil sa asphyxia o suffocation.

Lumabas sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na nag-umpisa ang sunog sa isang tatlong palapag na bahay sa Governor Pascual Street ng 7:02 a.m.

Umabot lamang sa unang alarma ang sunog, na idineklarang fire out ng 7:53 a.m.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon para malaman ang sanhi ng sunog. — Jamil Santos/ VDV, GMA Integrated News