Nadakip sa Antipolo City ang isang lalaki dahil sa panggagahasa sa isang 19-anyos na babaeng person with disability (PWD) sa Camarines Norte.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing dinakip ang suspek Biyernes ng gabi.

Isinagawa ng suspek ang panghahalay sa biktima sa isang kubo sa Basud Nobyembre noong nakaraang taon.

Ayon sa Basud Police, ang biktima ay pamangkin ng bayaw ng suspek.

Halos apat na buwan pinaghahanap ang lalaki, hanggang sa masakote sa tulong ng Antipolo Police.

Dagdag ng Basud Police, natunton nila ang suspek sa pamamagitan ng social media at nakitang nasa Antipolo ito.

Umamin ang suspek na kilala niya ang biktima, ngunit mariing itinanggi ang alegasyon sa kaniya.

"Hindi ko naman po ginawa 'yun. Wala po akong alam," sabi ng suspek, na nakatakdang dalhin sa Camarines Norte upang harapin ang kasong qualified rape. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News