Nasawi ang isang lalaki matapos pagsasaksakin sa Tondo, Maynila ng suspek na dumepensang hinoldap siya ng biktima.
Sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente sa Vitas Katuparan sa Barangay 101 Huwebes ng gabi.
Nagtamo ng saksak sa leeg at likod ang hindi pa nakikilalang biktima. Isinugod siya sa ospital ngunit binawian din ng buhay kalaunan.
Isang tanod ang nakasaksi sa krimen, kaya nagmadaling tumakbo ang suspek na kinilalang si John Mark Agrada para makatakas.
Nadakip sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang suspek na positibong kinilala ng nakasaksi sa insidente.
Ayon sa record ng pulisya, kilalang drug personality at notorious robber ang suspek na nahaharap sa paglabag sa RA 10591.
Depensa ni Agrada, ipinagtanggol lang niya ang sarili dahil hinoholdap umano siya ng biktima, at itinanggi niya ring siya ang sumaksak dito.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News