Para hindi umano sitahin sa mga paglabag, sinabi ng kapitan ng pampasaherong bangka na M/B Aya Express na tumaob sa Binangonan, Rizal na ikinasawi ng 27 sakay nito, na nagbigay lang siya ng mga saging na halagang P100 at perang P50 na pangmiryenda bilang "pampangiti" sa tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabantay sa pantalan.
Inihayag ito ng kapitan ng bangka na si Donald Añain, sa ginawang pagdinig ng Committees of Public Services at National Defense and Security nitong Martes.
Tinanong ni Senador Raffy Tulfo si Añain kung magkano ang ibinigay niya sa Coast Guard na "pampadulas" para pinirmahan "nang nakapikit" ang papel niya para makapaglayag nang araw na mangyari ang trahediya sa Laguna de bay.
Tugon ni Añain, “Yun ano lang, 'pampangiti'... Kailangan po magdadala ka po ng kahit alin po…Bumili lang po ako ng P100 na saging… Tsaka yung P50 na money, meryenda.”
Sinabi pa ni Añain na karaniwan na umano ang pagbibigay ng mga bagay sa mga tauhan ng PCG sa isla gaya ng tinapay, alak, sigarilyo.
Nasa 27 sakay ng bangka ang nasawi at 40 ang nailigtas nang tumagilid hanggang sa tuluyang tumaob ang bangka na sinasabing sobra ang sakay na pasahero.
Lumilitaw na hindi tugma ang bilang ng mga sakay ng bangka sa listahan nakatala sa manipesto na dumadaan sa PCG sa pantalan bago ito payagang maglayag.
Hinihintay pa ng GMA News Online ang komento ng mga opisyal ng PCG tungkol sa sinabi ni Añain.
Bago pa man ang alegasyon, aminado si PCG commandant Admiral Artemio Abu na may pagkukulang sa kanilang mga tauhan.
“The entire organization is here now, submitting ourselves to this investigation. And attendant circumstances, base sa ating mga (based on our) investigation, proved that there was negligence on the part of our personnel,” anang opisyal.
Sinabi ni Abu na inalis na ang substation commander at immediate supervisor sa naturang lugar habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa panayam, sinabi ni Senate Committee on Public Services chairperson Senator Grace Poe, hindi na siya nagulat sa mga isiniwalat ng kapitan ng bangka.
“Kung P50, sa isang araw 20, may P1,000 siya. May kasama pang saging o alak na nakaupo ka doon may extra na bigay sa'yo diumano tapos may suweldo ka rin,“ ani Poe.
Ayon sa senadora, kailangan repasuhin ang patakaran ng PCG sa mga informal port gayundin ang sistema sa pagbiyahe ng mga bangka.
Ayon kay Añain, P50 ang singil niya sa pasahero, pero P40 lang sa senior citizens at mga estudyante.
Dahil na rin sa salitan ang biyahe ng mga bangka, isang beses lang umano ang kaniyang biyahe sa isang araw, o tatlo hanggang apat na beses sa isang linggo.
Idinagdag pa niya na kailangan niyang ituloy ang kaniyang biyahe kahit wala siyang pasahero.
Samantala, napag-alaman din na walang valid license si Añain mula sa Maritime Industry Authority (MARINA).
Sinuspindi ng MARINA ang Passenger Ship Safety Certificate (PSSC) ng M/B Aya Express “effective immediately until further notice" matapos mangyari ang trahediya.
“The decision to suspend the safety certificate is in response to the unfortunate sea incident, which raises concerns about the integrity of the ship's hull, integral parts, and other affected machineries/appliances,” anang MARINA.
Sinampahan ng PCG ng reklamong syndicated estafa ang may-ari ng M/B Aya Express, ang kapitan ng bangka, at isang asosasyon dahil sa umano'y fraud and misrepresentation. —FRJ, GMA Integrated News