Patay na at tadtad ng saksak ang isang lalaki nang matagpuan sa loob ng paaralang kaniyang pinagtatrabahuhan sa Tondo, Maynila, ayon sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita nitong Martes.
Lumalabas sa imbestigasyon na paghihiganti ang naging ugat ng krimen.
Kinilala ang biktima na si Ricky Dasco, isang admin aide. Natagpuan siya sa hallway ng paaralang kaniyang pinapasukan.
Batay sa imbestigasyon, pinaslang si Dasco pasado 4 a.m. nitong Lunes.
Ayon kay Police Senior Master Sergeant Dennis Suba, ang imbestigador sa kaso, may saksak ang biktima sa leeg, batok, braso, kamay at likod.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang paglabas ng isang lalaki sa gate ng paaralan sa tinatayang oras na nangyari ang krimen. Siya ang natukoy na suspek ng pulisya.
Kinilala ang suspek na si Christopher John Marqueda, isang mangangalakal na agad namang naaresto. Dati na raw siyang nakulong sa mga kasong robbery, holdup at carnapping.
"'Yung motive niya, accordingly ayon sa suspect natin, a month ago, 'yung pamangkin niya, sinaktan ng victim kaya naghiganti siya," ani Police Major Paul Benjamin Mandane, hepe ng Don Bosco Police Community Precinct (PCP).
Ayon kay Marqueda, nagdilim ang kaniyang paningin kaya niya pinagsasaksak ang biktima. Nahaharap siya ngayon sa kasong murder. —KBK, GMA Integrated News