Naaresto ng mga awtoridad ang nasa 107 katao nang salakayan ang isa umanong cybercrime hub sa Pasay City. Kabilang sa nadakip ang isang Pinay na nasagip mula sa scam hub sa Myanmar noong Abril.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kabilang sa mga naaresto at sinampahan ng reklamo ang 87 Filipino at 20 Chinese nationals.
Kabilang sa kanila ang isang alias "Jenny," na biktima ng human trafficking at nasagip matapos tumakas sa umano'y scam hub Myanmar noong Abril.
“Doon kasi Sir, ano, ang daming bawal, tapos, bawal lumabas, nananakit po sila. Binilad kami sa araw, tapos puro mga squats ganun,” saad ni Jenny.
Pag-uwi sa Pilipinas, sinabi ni Jenny na may nakita siyang anunsyo tungkol sa job opening sa Facebook para sa mga 30-anyos na aplikante.
“Wala naman po akong alam na ilegal po ito. Sabi kasi licensed siya ng PAGCOR, so nag-apply po ako bilang admin, ‘di na katulad doon sa Myanmar,” paliwanag ni Jenny.
Humingi si Jenny ng paumanhin sa pagkakaaresto sa kaniya sa naturang lugar.
“Nagpapasalamat po ako na iniligtas nyo kami sa Myanmar. Humihingi din ako ng sorry kasi andito pa rin ako tapos nagkita pa tayo rito. Pasensya na lang po at sorry. Kailangan mabuhay ang anak ko, ako lang kasi mag-isa, so kailangan magtrabaho,” saad niya.
Ayon sa Department of Justice, patuloy ang mga operasyon laban sa mga scam hub na nagpapanggap na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Nahaharap si Jenny at iba pang nadakip sa reklamong paglabag sa securities regulation code at Cybercrime Prevention Act. --FRJ, GMA Integrated News