Walang inaksayang oras ang isang bus driver at iba pang motorista para sagipin ang isang matandang lalaki na na-trap sa rumaragasang baha sa isang kalye sa Jinan City sa China. Ang dahilan ng baha, ang typhoon Doksuri o Super typhoon Egay, na naunang nanalasa sa Pilipinas.

Sa video ng GMA News Feed, makikita ang bus driver na napatigil sa gitna ng malakas na agos ng baha sa kalsada at dali-dali niyang itinigil ang sasakyan at bumaba.

Sa sandaling iyon, nakita pala ng driver ang isang matanda na na-trap sa baha dahil sa isang signage sa kalye.

Hindi nagtagal, tumulong na rin ang iba pang motorista sa pagsagip sa matanda na kanilang dinala sa ligtas na lugar sa gilid ng kalsada.

Ang driver ng bus, makikita na mahigpit na nakakapit sa signage na hinihila ng ibang motorista para makuha rin siya.

Nang matapos na ang ginawa nilang kabayanihan, bumalik na sa bus ang driver at nagpatuloy sa kaniyang biyahe.

Ang dahilan ng rumaragasang baha, ang Typhoon Doksuri o Super typhoon Egay, na naunang nanalasa sa Pilipinas.

Nag-landfall ang bagyo sa Fujian province ng China noong July 28, na nagdulot din ng napakalakas na hangin at napakaraming ulan.

Ilang bahay, gusali  at imprastraktura ang winasak ng bagyo. Hanggang ngayon, patuloy na nakararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng China.-- FRJ, GMA Integrated News