Arestado ang 28-anyos na suspek sa pamamaril sa dalawang magkapatid na impormante ng pulisya.
Ayon kay Police Captain Joan de Leon, Valenzuela City Police chief public information officer, higit tatlong buwan nagtago ang suspek hanggang sa nahuli ito sa Marilao, Bulacan, nitong Biyernes, Setyembre 6, sa bise ng warrant of arrest.
Nangyari ang brutal na pamamaril noong Mayo. Patay ang 51-anyos na lalaki na kinilalang si alyas Iking matapos barilin nang dalawang beses sa ulo at isang beses sa may dibdib.
Sugatan naman ang nakababata nitong kapatid nang barilin ito sa kanang paa.
"Base doon sa salaysay ng sugatan, nakarinig siya ng mga putok ng baril at paglabas niya ng kanilang bahay, nakita na lang niya ang kapatid niya na nakahandusay sa may kalsada," ani de Leon. "Nakita niya rin iyong suspek noon...Binaril din siya nang makita siya nito."
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, may nakaabang na motorsiklo malapit sa pinangyarihan ng pamamaril at sinakyan ito ng patakas na suspek.
Sangkot umano sa ilegal na droga ang magkapatid na biktima na naging impormante rin ng pulisya.
May ilang drug suspects daw na ininguso si Iking sa mga awtoridad ilang araw bago mangyari ang pamamaril.
"Ito ay naka-link doon sa illegal drugs na, so iyong away nila, nagmula doon," ani de Leon.
Matapos ituro ng biktimang nakaligtas, inilabas ng Valenzuela City Regional Trial Court Branch 285 ang warrant of arrest laban sa suspek.
Natunton at minanmanan ng pulisya ang suspek ng higit isang buwan bago ito nahuli.
Itinanggi naman ng suspek na may kinalaman siya sa krimen.
"Napagbintangan lang ako," aniya. "Wala naman tayong ginagawang masama. Tayo po ang nagdadala ng kasalanan ng iba. Siyempre po, sira na ang pangalan ko tapos napahiya ko na apelyido ng family ko...Alam ng Diyos iyan. Wala akong kinalaman diyan."
Sinampahan ng reklamong murder at attempted murder ang suspek. —KG, GMA Integrated News