Natigil ang pagresponde ng isang ambulansiya sa isang pasyente matapos itong masalpok at takasan ng isang humaharurot na AUV sa Las Piñas City.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend, mapapanood sa CCTV ng Barangay Pamplona Uno ang pag-U-turn ng ambulansiya madaling araw nitong Sabado, nang bigla itong salpukin ng AUV.
Sa halip na huminto, humarurot palayo ang AUV. Ilang saglit pa, naararo nito ang mga barrier post at nakaladkad pa ang isang concrete barrier na pumailalim sa sasakyan.
Huminto na lamang ang AUV nang tila kumalso ang concrete barrier, kaya bumaba ang driver at ang sakay nito.
Sinilip nila ang AUV bago muling sumakay at umandar palayo.
Nakatakdang magsundo ng pasyente ang ambulansiya. Wasak ang mga gamit sa loob nito tulad ng upuan, medicine box at stretcher.
Ayon sa driver ng ambulansiya, hindi niya agad napansin ang humaharurot na AUV dahil bawal mag-U-turn sa lugar.
Naiwan naman ng nakatakas na AUV ang isang piraso ng bumper at plaka nito.
Ipasusuri sa LTO ang plaka ng AUV, ayon sa Las Piñas Police.
Desidido namang magsampa ng reklamo ang mga biktima. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News