Patay na nang matagpuan ang isang babae sa loob ng isang motel sa Maynila nitong Biyernes.

Sa ulat ni Jamie Santos sa GMA News "Saksi," sinabing may tama ng bala ng baril sa katawan ang biktima.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na kasama ng biktima na pumasok sa motel ang kaniya umanong nobyo noong Huwebes ng hapon.

Pagsapit ng Biyernes ng umaga, mag-isang lumabas ng kuwarto ang lalaki.

Nakita rin sa CCTV camera ang pag-alis ng lalaki na walang kasama.

Ayon sa mga tauhan ng motel, wala silang narinig na kaguluhan o putok ng baril.

Pinuntahan naman ng mga awtoridad ang sinasabing tinitirhan ng lalaki na umano'y dating pulis pero hindi siya nakita.

Patuloy siyang pinaghahanap.

"Itong ating suspect inaalam namin ang status. Ang alam namin ay dati siyang pulis. 'Di lang namin makumpirma kung ito ay dismissed ba o AWOL ba," ayon kay Manila Police District Homicide Section chief Police Capt. Dennis Turla.—FRJ, GMA Integrated News