Hindi lang pera kundi pati sinampay ay tinangay ng isang lalaking nanloob sa isang bahay sa Barangay Bahay Toro sa Quezon City, ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Martes.
Nakasalubong pa ng biktima ang suspek kinabukasan na suot ang isa sa mga ninakaw na damit.
"Napansin nila na ang sampayan nila ay may nawawala nang damit, so ang ginawa ng biktima ay ni-review yung CCTV at doon nga nakita nila 'yung isang magnanakaw ay umakyat doon bakuran nila," ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Mepania, hepe ng Project 6 Police Station.
Nasalubong daw ng biktima ang suspek nang pauwi na siya matapos isumbong sa barangay ang naganap na nakawan sa kanila.
Arestado ang 24-anyos na suspek na si Anjo Eusebio. Nabawi sa kaniya ang ninakaw na t-shirt, string bag, dalawang sumbrero at mga baryang nagkakahalaga ng P400.
Ilang bagay naman ang hindi na na-recover mula sa suspek, kabilang ang tatlong t-shirt, dalawang sapatos, isang helmet at P2,000 na cash.
Ayon sa pulisya, dati nang nakulong sa Cavite ang suspek dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.
Aminado si Eusebio sa nagawang krimen. —KBK, GMA Integrated News