Patay na at hawak ang alagang aso nang matagpuan ang isang babae na nadaganan ng gumuhong pader dulot ng landslide sa Antipolo, Rizal.
Sa ulat ni Dano Tingcunco sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, sinabing lumambot ang lupa sa bahagi ng Barangay Sta. Cruz na mayroong construction site kung saan naganap ang trahedya nitong Linggo ng gabi.
Ayon sa saksi, dalawang bahagi ng pader ang magkasunod na gumuho at nadaganan ang ilang kabahayan. Nakalikas naman ang mga tao bago bumigay ang ikalawang bahagi ng pader.
“Buti na lang nung unang side na gumuho medyo nataranta ang mga tao at naglabasan. Kung nagsabay-sabay nang dagan ‘yun medyo marami marami ang mamamatay at buti na lang maaga. Kung hatinggabi tulog ang lahat baka ang lahat matabunan,” ayon sa punong barangay na si Cirilo Tenorio.
Ayon kay Tenorio, bumalik ang nasawing biktima na si Dina Lachica sa bahay para sagipin ang alagang aso.
Tatlong oras ang ginawang paghuhukay sa lupa na may kasamang putik bago nakuha ang kaniyang katawan na yakap ang aso.
“Nagluluto kasi ito at dun sa pagluluto niya, medyo may naririnig siya na medyo lumalagitik na. Inuna niya ‘yung pamangkin niya na mailabas tapos binalikan niya yung aso niya, kaya nung mamatay hawak-hawak niya yung aso,” kuwento ni Tenorio.
Nasa 22 pamilya ang nawalan ng bahay at pansamantalang tumutuloy sa modular shelters ng barangay.
Wala pang pahayag ang may-ari at contractor sa gumuhong construction site.
Pero ayon kay Tenorio, nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad ang may-ari ng lupa at nangako ng pinansiyal na tulong at pagpapatayo ng mga nasirang bahay.
“Matagal na itong pinaplano dahil gagamitin na po, gagawin nang subdivision yung kinatatayuan ng area,” ani Tenorio, na sinabing pinangakuan noon ang mga residente ng 35 square meters ng lote ang bawat isa para sa relocation.
Magsasagawa naman ng imbestigasyon ang Rizal provincial government kaugnay sa nangyaring insidente.--FRJ, GMA Integrated News