Nagtangka pa umanong tumakas pero nabigo ang isang part time teacher na inaresto sa kasong panggagahasa sa kaniyang menor de edad na estudyante sa loob ng isang unbersidad sa Mandaluyong City.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nadakip sa bisa ng arrest warrant ang suspek sa kaniyang bahay sa Baesa, Quezon City.
Nahaharap ang suspek sa kasong two counts of rape na isinampa ng menor de edad niyang estudyante.
"Iniligaw tayo ng ibang barangay officials dahil tagaroon siya, binibigyan tayo ng iba't ibang impormasyon, na accordingly wala na siya roon," ayon kay Police Major Raul Salle, hepe ng Eastern Police District-District Special Operations Unit.
Ayon kay Salle, sa loob mismo ng unibersidad nangyari ang krimen kapag wala na ang ibang estudyante.
"Sa loob mismo ng eskwelahan, 'pag humiwalay na yung ibang estudyante, after na sila’y umalis na, saka niya isinagawa ito," ani Salle.
Sinusubukan pang makuha ang panig ng suspek na nakakulong ngayon sa Mandaluyong Police Station, ayon sa ulat.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa pamilya ng biktima. Pero payo umano ng duktor, huwag munang ipakausap sa suspek ang biktima.
Nakikipag-ugnayan din umano ang pulisya sa pamunuan ng unibersidad.—FRJ, GMA Integrated News