Aksidente ang inabot ng isang suspek matapos itong magtangkang tumakas sa isang drug buy-bust operation sa Valenzuela City nitong Martes ng gabi.

Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Miyerkoles, mahigit P3 milyong halaga ng hinihinalang marijuana ang nasabat sa 37-anyos na suspek.

Nayupi ang likurang bahagi ng SUV na minamaneho ng suspek matapos maaksidente sa southbound lane ng North Luzon Expressway na sakop ng Valenzuela City. Nabangga nito ang dalawang sasakyan.

"Sinubukan po nitong tumakas at 'yan nagresulta nga po sa aksidente po na kung saan nasira po 'yung sasakyan nung ating suspect," ani Police Brigadier General Kirby John Kraft, hepe ng Southern Police District (SPD).

Umabot sa 30 kilo ng umano'y marijuana na nakabalot sa plastic at sako ang nasabat mula sa suspek. Bukod sa droga, isang baril din na kargado ng mga bala ang nakuha mula sa suspek.

Ayon sa pulisya, galing pang Benguet ang suspek at inaalam pa ang source ng droga.

Ayon sa suspek, hindi niya alam na marijuana ang kaniyang dala.

"Basta ang sabi po dalhin ko dito ang sasakyan, 'yun lang. Pagdating ko dito biglang lumabas 'yung isa at tinutukan ako ng baril kaya umatras ako," paliwanag ng suspek.

Dinala sa SPD headquarters ang suspek na mahaharap sa mga reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. —KBK, GMA Integrated News