Inilabas na ng Department of Tourism (DOT) ang bagong tourism slogan ng Pilipinas na kapalit ng "It's More Fun in the Philippines."
Nitong Martes, isinagawa sa Manila Hotel ang paglulunsad ng bagong tourism slogan na "Love the Philippines," na dinaluhan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Itinaon ang paglulunsad ng bagong tourism slogan sa selebrasyon ng ika-50 taon ng Philippine tourism.
Taong 2012 nang gamitin ang slogan na "It's More Fun in the Philippines" upang makahikayat ng mga turista.
Nitong nakaraang buwan, sinabi ni Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco na ang bagong tourism campaign ay itutuon sa kultura ng bansa at sa mga Filipino.
“The enhanced tourism slogan will give our country an opportunity to market itself not just as a fun destination, which it will continue to be, but also as a destination for everything else that includes highlighting our culture and our people,” pahayag ni Frasco sa news forum.
Sinabi ng kalihim na ilalabas ang bagong slogan kasunod ng pag-apruba sa National Tourism Development Plan para sa taong 2023–2028.
Target umano ng DOT na makahikayat ng 4.8 million international tourists sa 2023, matapos makapagtala ng 2.65 million na dayuhang bisita noong 2022.
Inaasahan din ng DOT na 100% nang makababawi ang domestic tourism.
“We can see how tourism, notwithstanding the recent reopening due to the pandemic, has proven itself to be a very reliable source of income for our fellow Filipinos and a reliable source of contribution to our economy,” ani Frasco.—FRJ, GMA Integrated News