Kahit madaling araw pa lang, pinilahan na ng mga tao--kabilang ang mga senior citizens at persons with disabilities (PWD)-- ang Kadiwa store sa Quezon City para makabili ng bigas na P25 ang bawat kilo ngayong Martes.
Sa ulat ng GTV news "Balitanghali," sinabing 8:00 am nagbubukas ang Kadiwa store sa Department of Agriculture (DA) Central office sa Elliptical Road, Quezon City. Pero madaling araw pa lang ay mayroon nang mga pumila.
Una nang inanunsyo ng DA na hanggang sa Biyernes na lang makapagbebenta ng P25 per kilo na bigas sa Kadiwa store.
Ang ibang pumila kanina, hindi na nakabili ng bigas dahil naubos na.
Ipinaliwanag ng pamunuan ng Kadiwa na hanggang 150 katao lang ang mapagbebentahan nila ng bigas sa isang araw para hindi kaagad maubos ang suplay.
Inihayag naman ng DA na nakikipag-ugnayan na sila sa mga kooperatiba sa Nueva Ecija, Tarlac at Cordillera para maipagpatuloy ang pagbebenta ng murang bigas.
Sa ngayon, umaabot sa P40 per kilo ang regular na bigas na mabibili sa merkado. --FRJ, GMA Integrated News