Nalasap ng Gilas Pilipinas Women ang ikalawa nitong sunod na kabiguan laban sa five-time defending champion Japan sa iskor na 95-57, sa ginaganap na 2023 FIBA Women’s Asia Cup sa Sydney, Australia.

Dahil sa pagkatalo, 0-2 na ang Pilipinas sa Pool B habang umangat sa 2-0 ang Japan, kapantay ang host na Australia.

Nakamit ng Gilas Women ang unang kabiguan sa mainit na mga kamay ng Team Australia sa iskor na 105-34 noong Lunes.

Sa kanilang laban sa Japan, tumirada ang veteran player na si Afril Bernardino ng 12 points, eight rebounds, two assists, three steals, at block. Nag-ambag naman ng 12 points si Vanessa De Jesus at 11 points si Janine Pontejos.

Umaasa ang Gilas Women na makakabawi sa kanilang laban sa Miyerkules kontra sa koponan ng Chinese Taipei. —FRJ, GMA Integrated News