Dalawang vintage bomb ang nahukay ng mga awtoridad sa compound ng National Museum of the Philippines sa Maynila. Ang isa sa mga bomba, maswerteng hindi sumabog matapos tamaan ng backhoe.
Sa ulat ni Nico Waje sa Unang Balita nitong Martes, makikita ang maingat na pag-inspeksiyon ng District EOD and Canine Unit ng Manila Police sa isa sa dalawang sinaunang bomba na nakuha sa National Museum Complex.
Sinabi ng DECU-MPD na bago makita ang dalawang unexploded ordnance, tinatambakan ng lupa ang isang bahagi ng complex.
Natagpuan ang isang 75mm high explosive projectile at isang 27mm cartridge, na parehong mga bala ng kanyon na ginamit noong World War 2.
Posibleng nasama ang mga bala ng kanyon sa hinukay na panambak na lupa na mula rin sa loob ng National Museum Complex.
Makikitang nayupi ang 27mm cartridge matapos matamaan ng backhoe, ngunit hindi sumabog sa kabutihang palad.
Mas peligroso kung tinamaan ng backhoe ang 75mm na bala.
Bukod sa vintage bombs, tatlo pang sinaunang bomba ang tinugunan ng DECO ngayong Hunyo, na dalawang 81mm mortar illumination na natagpuan din sa compound ng National Museum, at isang 120mm projectile HEO high explosive na natagpuan sa Tondo. — Jamil Santos/RSJ, GMA Integrated News