Dalawang Pinoy boxer na ang magkasunod na tinalo ng Argentinean boxer na si IBF world super flyweight champion Fernando Martinez.
Nitong Linggo (Philippine time), nabigo ang pambato ng Pilipinas na si Jade Bornea na mabawi mula kay Martinez ang IBF world super flyweight belt, na naagaw ng Argentinean boxer mula naman sa Pinoy din na si Jerwin Ancajas.
Naagaw ni Martinez ang IBF world super flyweight belt mula kay Ancajas noong nakaraang taon unanimous sa kanilang sagupaan sa Amerika. Nagkaroon ng rematch ang dalawa pagkaraan ng ilang buwan at muling nanaig si Martinez.
Naging mandatory challenger sa naturang korona ang Pinoy na si Bornea. Pero pinayuko rin siya ni Martinez nang itigil ng referee ang kanilang laban sa 11th round sa Minneapolis, USA.
Nananatiling malinis ang kartada ni Martinez sa record na 16-0 na may 9 na knockouts. Samantalang nalasap naman ni Bornea ang kaniyang unang talo sa kaniyang professional career na 18-1 na may 12 knockouts.
Samantala, matapos ang magkasunod na talo, nakabawi ang dating super flyweight world champion na si Ancajas nang ma-TKO niya sa fifth-round ang kaniyang katunggali sa undercard ang Colombian fighter na si Wilner Soto.
Umangat ang record ni Ancajas sa 34-3-2 na may 23 knockouts. —FRJ, GMA Integrated News