Inihayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na hindi kasama ang instant noodles sa mga pagkaing maaalat o mataas ang sodium content na papatawan ng mas mataas na buwis.

“If you're thinking of the noodles, ‘yun talaga salty ‘yun. That’s 60% sodium [content]. Hindi naman iko-cover ‘yun. ‘Yun ang talagang [para] sa mga mahihirap,” paliwanag ni Diokno sa press briefing.

Karaniwang umaabot sa 1,500 milligrams (mg) hanggang 2,000 mg ang sodium sa isang pack instant noodles na madalas pinagsasaluhan ng mga mahihirap na pamilya.

Gayunman, inirerekomenda ng mga eksperto na 2,300 mg lang sa isang araw ang sodium na dapat makonsumo ng mga tao. Ang labis na soduim ay may masamang epekto sa katawan, tulad sa kidney o bato.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na isusulong ng administrasyong Marcos ang pagpasa ng bagong tax measures sa taong ito. Kabilang dito ang mas mataas na buwis sa sweetened beverages at junk food na may epekto sa kalusugan ng tao.

Ayon kay Diokno, makikipag-ugnayan ang DOF sa National Nutrition Council at Department of Health para sa listahan ng mga pagkain o pre-packaged food na dapat patawan ng mas mataas na buwis.

Kabilang sa plano ng DOF ang magpataw ng P10 per 100 grams o P10 per 100 milliliters tax sa pre-packaged foods na walang nutritional value, tulad ng confectioneries, snacks, desserts, at frozen confectioneries na higit sa specified thresholds ng DOH para sa fat, salt, at sugar content.

Noong nakaraang Setyembre, sinabi ng DOH na imumungkahi nila ang dagdag na buwis sa mga junk food at sweetened beverages para tugunan ang problema ng obesity sa bansa at madagdagan ang koleksyon ng buwis na ilalaan sa universal healthcare program.

Tinataya ni Diokno na ang naturang hakbang sa dagdag-buwis sa junk food at sweetened beverage ay magbubunga ng karagdagang P76 bilyong kita sa unang taon ng implementasyon.

Inaasahan din na mababawas ng 21 porsiyento ang mga kumokonsumo ng junk food.

“The incremental revenues from this tax package will fund important socio-economic programs initiated by the Marcos administration, such as the Department of Social Welfare and Development's (DSWD) food stamp program. This program will provide support to one million food-poor households, to alleviate food insecurity and malnutrition,” sabi ni Diokno sa isang pahayag nitong nakaraang linggo. — FRJ, GMA Integrated News