Isang sedan ang tumilapon at nagpaikot-ikot sa ere matapos itong masalpok ng isang SUV sa Colorado sa Amerika. Sa halip na tumigil, nag-overtake at agad pang umalis ang nakabanggang suspek.

Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa isang video ang pagbangga ng itim na SUV sa puting sedan sa Wheat Ridge.

Dahil dito, nagpagewang-gewang ang sedan bago bumangga sa katabing truck.

Pagkabangga, tumilapon ito at nagpaikot-ikot sa ere bago tuluyang tumaob.

Huminto ang truck dahil sa pangyayari, ngunit nag-overtake at agarang tumakas ang driver ng itim na SUV.

Sa tulong ng dash cam video, natunton ang hit-and-run driver at naaresto ng pulisya.

Agad umamin ang suspek sa mga awtoridad na siya ang nagmamaneho nang mangyari ang insidente.

Nahaharap siya sa mga kasong hit and run injury accident at careless driving.

Himalang nakaligtas ang driver ng puting sedan, bagama’t nagtamo ng minor injuries.

“It’s not vehicular assault because the victim’s injuries were not severe. We know that can be frustrating but finding the person responsible for such an egregious act is in and of itself a win,” sabi ng Wheat Ridge Police Department. —VBL, GMA Integrated News