Nalagay sa panganib ang buhay ng isang piloto matapos siyang umiwas sa mabatong baybayin ng dagat, ngunit bumaligtad ang kaniyang eroplano sa ibabaw ng dagat sa Wales, UK.
Sa video ng GMA News Feed, makikita mula sa malayo ang maingat na pagbaba ng eroplano sa tubig.
Ngunit nang makalapit sa dagat, tila nawalan na siya ng kontrol saka bumaligtad ang aircraft.
Nang makunan ng drone video ng emergency responders, nakalubog na ang eroplano sa tubig.
Sinabi ng ilang saksi na may narinig silang tunog mula sa eroplano bago ito tuluyang nag-crash.
“As I was observing the bay, I could hear a fairly low noise of a plane and as I looked to Swansea direction, I saw a light aircraft. Then three or four seconds later I heard the engine begin to splutter and stutter. As I watched it, the engine died completely,” sabi ng saksi na si James Brown.
Nahila naman agad sa tabing-dagat ang eroplano.
Sa kabila ng insidente, ikinamangha ng mga rescuer na hindi nagtamo ng sugat ang piloto at maayos siyang nakalabas ng eroplano pagkatapos ng crash.
Dinala pa rin ang piloto sa ospital para masuri.
“It was a miracle that no one was hit by the plane and that the pilot managed to get out. He’s a lucky bloke,” sabi ng saksi na si Jamie Lewis.
Wala pang inilalabas na detalye ang mga awtoridad tungkol sa pagkakakilanlan ng piloto ngunit base sa datos ng Civil Aviation Authority, ang aircraft ay isang single-engine Renegade Spirit.
Binuo noon pang 1992 ang single-seat na eroplano.
Patuloy na iniimbestigahan ang dahilan ng crash.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News