Patay ang isang motorcycle rider matapos maaksidente sa EDSA-Shaw sa Mandaluyong City malapit sa underpass nitong Miyerkoles ng umaga.

Duguan ang biktima at nakahandusay sa bahagi ng EDSA na nasa ilalim mismo ng MRT Shaw Station, ayon sa ulat ni Mark Makalalad ng Super Radyo dzBB sa Unang Balita.

Isang concerned citizen ang nagreport sa mga awtoridad nang alas-singko ng umaga na may lalaking nakahandusay sa daan.

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority at Inter-Agency Council for Traffic.

Hinihinalang nasagasaan ng malaking sasakyan ang biktima na napugutan ng ulo.

Tumilapon ang rider mula sa kanyang motorsiklo sa lakas ng impact.

Tinitingnan ng mga awtoridad ang anggulong hit and run.

Kasalukuyan nilang nire-review ang mga kuha ng CCTV sa lugar.

Dalawang lane ng EDSA ang isinara dahil sa aksidente.

Samantala, natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakilanlan ng biktima, base sa driver's license at company ID na nakuha sa motorsiklo.

Mahigit dalawang oras ang nakalipas bago dumating ang mga tauhan ng Scene of Crime Operations (SOCO) ng Philippine National Police, ayon sa ulat ni Makalalad sa Super Radyo dzBB.

Naialis na ang bangkay ng biktima sa nasabing lugar nitong 8:05 a.m.

Umabot naman hanggang Cubao ang traffic sa EDSA dahil sa aksidente. —KG, GMA Integrated News