Tinapos na ng Denver Nuggets ang 2023 NBA Finals kontra Miami Heat at inangkin ang kanilang kauna-unahang kampeonato sa mismong balwarte nila sa Ball Arena sa Denver, Colorado nitong Martes (oras sa Maynila).

Sa iskor na 94-89, isinara ng tropa ni Nikola Jokic ang serye sa 4-1. 

Kumamada si Jokic ng 28 points, 16 rebounds, at four assists. Dinagdagan pa ito nina Michael Porter Jr. ng 16 points at 13 rebounds. Habang tumirada ng 14 points, eight rebounds, at eight assists si  Jamal Murray.

Sa pagtatapos ng first period ng laro, angat ang Heat sa iskor na 24-22. Abante pa rin ang Heat sa pagtatapos ng second quarter, 51-44.

Pero tila napawi ang init ng Heat sa ikatlong quarter na sinamantala ng Nuggets para idikit ang laban sa 71-70.

Sa huling quarter, bumanat na ang mga pambato ng Nuggets at ipinoste ang kanilang lamangan sa 83-76 sa nalalabing 4:43 sa laro.

Nagawa pang magpakaba ni Miami star Jimmy Butler nang magpaulan ito ng mga puntos, at agawin ang kalamangan sa 89-88, sa last two minutes ng laban.

Pero hindi kinagat ng kaba ang Nuggets na muling inagaw ang manibela at lumamang, 92-89 sa natitirang 24.7 sa oras.

Nagpahabol pa ng dalawang free throw si Bruce Brown para sa final score na 94-89.—FRJ, GMA Integrated News