Pumanaw na sa edad na 88 ang dating senador at naging Armed Forces chief of staff din na si Rodolfo Biazon.
Inihayag ito ng kaniyang anak na si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa isang Facebook post nitong Lunes.
Ayon sa alkalde, natuklasan na may lung cancer ang kaniyang ama noong nakaraang taon, at dinala kamakailan sa ospital makaraang magkaroon ng pneumonia.
“It is with deep sadness that we announce that the bell has rung and the last Taps has been sung for General Rodolfo Gaspar Biazon, former AFP Chief of Staff, member of the Philippine Senate and House of Representatives,” ayon kay Mayor Ruffy.
“It is perfectly fitting that today, Independence Day, at around 8:30am, the soldier who dedicated his life and laid it on the line in defending freedom and democracy, has been set free from the pains of this world,” patuloy niya.
Ayon pa sa alkalde, sumailalim sa gamutan ang kaniyang ama makaraang madiskubre na mayroon siyang lung cancer noong July 2022.
Gayunman, dalawang beses umanong nagkaroon ng pneumonia ang dating senador ngayong 2023, at naging mas malubha ang ikalawa na lalo pang nagpahina sa kaniyang baga.
“He courageously fought his last battle like a Marine would, but it is the Lord’s will which prevails. The family is grateful that we were able to spend his last moments with us intimately and peacefully,” sabi ni Mayor Ruffy.
Sinabi ng alkalde na iaanunsyo niya ang magiging detalye sa burol ng kaniyang ama.
Produkto ng Class 1961 sa Philippine Military Academy si Biazon, at naging "goat" sa kanilang klase. (Basahin: 'Goat' sa PMA na humawak ng mataas na puwesto sa militar at Kongreso).--FRJ, GMA Integrated News